Ako at ang Mundo

Ako at ang Mundo
Sabay tayong manuod at makinig sa sarili mong pagsusumamo.

Wednesday, May 13, 2009

Dapithapon

Para sa ating dapithapon

Matanda na ang mundo at ganun din naman tayo.
Malapit na siyang magunaw at bukas maaari rin naman tayong mamatay.
Masakit man isipin, pero anong magagawa natin kundi maghintay?
Para sa ating dapithapon, bakit di muna tayo magdiwang ng ating mga buhay?

Ayaw ko pang mawala at iwanan ka, pero mapipigilan ko ba?
Lumilipas ang panahon, nagdadaan ang mga araw, nalulungkot ka ba?
Nalulungkot ako dahil sa kabilang buhay di na kita makakasama.
Pagdating natin sa langit, hinding hindi na tayo magkakakilala.

Madalas kong sabihin sa sarili, “Sana magbalik ang ating kabataan.”
Sa mga panahong wala tayong iniisip kundi ang ating mga pansariling kasiyahan lang.
Sa mga panahong walang problemang bumabagabag sa ating mga kaisipan.
Sa mga panahong sariwang sariwa pa ang ating pagmamahalan.

Madalas kong sabihin sa sarili, “Sana isilang na lang tayong muli.”
Kung may kakayahan lang ako, ipapangahas kong ibalik ang unang ngiti.
Kung kaya ko lang, gusto ko sana muling marinig ang unang tinig,
Ang tila musika sa aking diwa na, “Mga bata, maligayang pagdating sa Daigdig.”

Matanda na ang daigdig at napuno na siya ng ligalig.
Unti-unti ng nauubos ang kanyang ganda at pag-ibig.
Natatapos na rin ang panahon ng kanyang katingkaran at kagandahan.
Na sa ating dalawa ay nagsilbing malaking tahanan at palaruan.

Matanda na tayo at ang ating araw ay naglalaho na.
Sa kanyang paglubog, dumarating ang kadilimang hatid ng kanyang pagkawala.
Bago man lang tayo mahimlay, maaalala mo pa kaya?
Ang ligayang hatid ng pag-ibig na inilaan mo noong tayo’y unang nagkakilala.

Sa ating dapithapon kaya’y wala ka ng pinagsisisihan?
Sa ating dapithapon kaya’y napunan ko na ang lahat ng iyong kalungkutan?
Sa ating dapithapon kaya’y ubos na ang luha sa ating mga mata?
Sa ating dapithapon kaya’y matatanggap natin ang pagkawala ng isat-isa?

No comments:

Post a Comment