Ako at ang Mundo

Ako at ang Mundo
Sabay tayong manuod at makinig sa sarili mong pagsusumamo.

Monday, December 28, 2009

Wangis

Ang aking dapithapon

Tulad ng paglubog ng araw sa dapithapon,
ang kagandahang taglay mo ay hindi maikakahon.
At tulad ng paghangang inilaan ko sa dapithapon,
pag-ibig ko sa iyo’y walang sawa ngunit mananatiling nandoon sa lahat ng pagkakataon.

Nais kong madama ang liwanag na taglay mo,
may halong init ngunit kahit ganon hindi nakapapaso.
Gusto na talaga kitang angkinin at sabihing “Sa akin ka na lang!”
Pero paano, ni hindi nga kita kayang lapitan?

Magagawa ko kayang lumakad kasama mo?
Nang sa ganoon hindi ka na mawala sa paningin ko.
Magagawa ko kayang agawin ka sa tunay na nagmamayari sa’yo,
at mangakong aalagaan ka hanggang sa katapusan ng buhay ko?

Tulad ng paglubog ng araw sa dapithapon,
kung mabibigo ako sa’yo, mahihirapan nang makabangon.
Kaya ang paghahangad ng labis ay gusto ko nang itapon,
pilit lilimutin at habang buhay na lang sa sarili ibabaon.

Dahil tulad ng sa dapithapon, alam kong ako’y ‘yong iiwan.
Minsan ang mga mata’y pinipikit at ayaw buksan,
ayaw mamulat sa ganap ngunit masaklap na katotohanan.
Kaya tulad kahapon, ikaw na lang ay aking pagmamasdan at patuloy na hahangaan.

Saturday, December 26, 2009

KSP

Ginawa ko pa ito noong ako’y nasa ikatlong taon sa high school. Baduy pero gusto ko kasi ano eh… Ah eh… Wala lang, matagal na kasi, sentimental value na lang.

Kailan ba tayo unang nagkakilala?
Ngayon lang ba o noon pa?
Kahit anong pagiisip ang gawin ko,
hindi ko pa rin talaga mapagtanto.

Saan, saan ba tayo unang nagkakilala?
Sa langit ba o sa lugar ng mga mapandigma?
Hindi ko alam kung saan tayo unang nagkatagpo,
basta alam ko nung araw na ‘yon, masaya ako.

Paano, paano tayo unang nagkakilala?
Sa gawa ba o sa makapangyarihang salita?
Maligaya ako at nangyari ang bagay na ‘to,
pero kailan, saan at paano?