Ako at ang Mundo

Ako at ang Mundo
Sabay tayong manuod at makinig sa sarili mong pagsusumamo.

Monday, December 28, 2009

Wangis

Ang aking dapithapon

Tulad ng paglubog ng araw sa dapithapon,
ang kagandahang taglay mo ay hindi maikakahon.
At tulad ng paghangang inilaan ko sa dapithapon,
pag-ibig ko sa iyo’y walang sawa ngunit mananatiling nandoon sa lahat ng pagkakataon.

Nais kong madama ang liwanag na taglay mo,
may halong init ngunit kahit ganon hindi nakapapaso.
Gusto na talaga kitang angkinin at sabihing “Sa akin ka na lang!”
Pero paano, ni hindi nga kita kayang lapitan?

Magagawa ko kayang lumakad kasama mo?
Nang sa ganoon hindi ka na mawala sa paningin ko.
Magagawa ko kayang agawin ka sa tunay na nagmamayari sa’yo,
at mangakong aalagaan ka hanggang sa katapusan ng buhay ko?

Tulad ng paglubog ng araw sa dapithapon,
kung mabibigo ako sa’yo, mahihirapan nang makabangon.
Kaya ang paghahangad ng labis ay gusto ko nang itapon,
pilit lilimutin at habang buhay na lang sa sarili ibabaon.

Dahil tulad ng sa dapithapon, alam kong ako’y ‘yong iiwan.
Minsan ang mga mata’y pinipikit at ayaw buksan,
ayaw mamulat sa ganap ngunit masaklap na katotohanan.
Kaya tulad kahapon, ikaw na lang ay aking pagmamasdan at patuloy na hahangaan.

Saturday, December 26, 2009

KSP

Ginawa ko pa ito noong ako’y nasa ikatlong taon sa high school. Baduy pero gusto ko kasi ano eh… Ah eh… Wala lang, matagal na kasi, sentimental value na lang.

Kailan ba tayo unang nagkakilala?
Ngayon lang ba o noon pa?
Kahit anong pagiisip ang gawin ko,
hindi ko pa rin talaga mapagtanto.

Saan, saan ba tayo unang nagkakilala?
Sa langit ba o sa lugar ng mga mapandigma?
Hindi ko alam kung saan tayo unang nagkatagpo,
basta alam ko nung araw na ‘yon, masaya ako.

Paano, paano tayo unang nagkakilala?
Sa gawa ba o sa makapangyarihang salita?
Maligaya ako at nangyari ang bagay na ‘to,
pero kailan, saan at paano?

Thursday, November 5, 2009

The Gunpowder Plot

Remember, remember the 5th of November
the gunpowder treason and plot.
I know of no reason why the gunpowder treason
should ever be forgot.

Saturday, August 1, 2009

Tara

Paminsan-minsan dapat naglilibang din tayo at hindi laging nakasubsob ang ulo sa libro.

Nami-miss mo na ba ang langit? Ang mga ulap at mga anghel na nagsisiawit?
Tagal mo na kasing nakatapak sa lupa eh. Araw-araw pare-parehas lang ang nangyari.
Bakit di mo subukang lumipad? Namimis ka na rin ng langit, ng mga ulap at mga anghel na nagsisiawit ng paulit-ulit.
Hindi na maganda ang lupa, puro problema, tambak tambak na problema’t pagpapahirap ang araw-araw kinakausap at kinakaharap.
Hindi na masarap sa lupa…

Thursday, June 25, 2009

Problemado

Nilapitan ako dati ng classmate ko, nagtanong sya, “Oy bakit palagi kang nakangiti, wala ka sigurong problema no?”
Sumagot ako ng nakangiti pa rin, “Kung wala akong problema, problema ko na yun.”

Wednesday, May 13, 2009

Hindi Lahat ng Tumatawa ay Masaya

Wala lang…

Hindi lahat ng mga nakasalamin ay matatalino.
Hindi lahat ng mga magaganda ay nakakaloko.
Hindi lahat ng mabilis magbasa ay nakakahanga.
Hindi lahat ng nagbabasa ay may napapala.
Hindi lahat ng mga maka-erap ay mahihirap.
Hindi lahat ng mga mahal na pagkain ay masasarap.
Hindi lahat ng mga hari ay nasusunod.
Hindi lahat ng mga politiko ay tapat maglingkod.
Hindi lahat ng api ay nananahimik lamang.
Hindi lahat ng lumalaban ay may nakakamit na kaginhawaan.
Hindi lahat ng malinis ay walang kasalanan.
Hindi lahat ng naakusahan ay may kinalaman.
Hindi lahat ng may pakpak ay malayang nakakalipad.
Hindi lahat ng nagsusumikap ay umuunlad.
Hindi lahat ng gwapo ay maliligtas.
Hindi lahat ng mabilis tumakbo ay siguradong nakatatakas.
Hindi lahat ng utang ay nababayaran.
Hindi lahat ng iniwan ay muli pang binabalikan.
Hindi lahat ng banal ay tapat.
Hindi lahat ng nakakakita ay mulat.
Hindi lahat ng sinangla ay muli pang natutubos.
Hindi lahat ng paslit ay dumadaan sa pagiging musmos.
Hindi lahat ng baliw ay nakikipagusap sa hangin.
Hindi lahat ng nahihimbing ay muli pang nagigising.
Hindi lahat ng totoo ay katanggap-tanggap.
Hindi lahat ng bulaan ay magaling magpanggap.
Hindi lahat ng kumakain ng gulay ay humahaba ang buhay.
Hindi lahat ng sinasabi ko ay puno ng saysay.

Usong-uso

Ang sining ng panatikong paghangang wala sa lugar.

Alam niyo bang natutuwa ako sa dios?
Paano naman usong-uso siya at hindi nalalaos.

Nagagalingan ako sa kanya dahil kahit saan ay nakikita ko siya; sa ding-ding, sa lapag, sa kisame, sa pinto, at sa kahit saang sulok ng isang bahay (o kahit ano pa mang uri ng bahay ang meron sa mundo).
Ewan ko lang kung meron din sa palikuran.
Mayroon sa sasakyan, sa ospital, sa paaralan, sa opisina, sa simbahan, at sa kahit saan pa man.
Mayroong dios na pininta at inilagay sa frame.
Mayroong dios na hinuhubog, nilililok, inuukit, tinutunaw.

Walang araw na hindi ko nakita ang dios na yan.
Paglabas ko ng bahay nakikita ko na agad siya.
Suot-suot siya ng ibat-ibang uri ng tao sa kalsada; mga bata, mga nagtitinda, mga driver, mga snatcher, mga politiko.
Ang mga rakista, may dios. Ang mga konyo, may dios. Ang mga hip-hop, may dios.
Minsan naglakad ako sa isang kanto sa Maynila, nakakita ako ng isang babaeng nagyoyosi, maangas ang porma at nagaabang ng customer, may suot siyang dios.
Ang mga pangkaraniwang tambay lang may suot din na dios, pero tulad nung sa babae, pamorma at pampaangas lang.
Katunayan lang na kahit sino ka man, kahit ano ka man, maaari mong isuot ang dios!

Sa mga binanggit ko, ang dios na suot nila ay sa magkakaibang bahagi ng katawan ko nakita.
Kadalasan sa leeg ito nakalagay. Mayroong naglalagay sa braso, sa daliri, sa paa (pero mas madalas nasa kamay).
May nakita rin ako na ang dios niya ay nakaguhit na sa kanyang balat.
Kung sa balat, kahit saan maaari na. Maaaring sa likod, sa batok, sa tiyan, sa dibdib, sa hita at kahit sa pwet.
Naisip ko tuloy, ang mga pari kaya may tatong dios?

Maraming uri ng dios.
Mayroong dios para sa ibat-ibang uri ng hayop (aso, manok , atbp.), ng lupang sakahan, ng tubig na palaisdaan, ng buwan, ng araw, ng kidlat, ng mga halaman at ng hangin at marami pang iba.

Masasabi kong sikat na sikat ang dios, dahil madalas siyang pagusapan; sa tv, sa radyo, sa kalsada.
Minsan nagpunta ako sa Luneta para makinig ng mga taong ginawang libangan ang pagtalunan ang dios. Napansin ko na maaari rin palang pagmulan ng away at gulo ang pagtatalo tungkol sa dios.
Sigurado sa maraming bilang ng namamatay na tao sa lahat ng sulok ng mundo bawat segundo, mayroong isa o higit pa na namatay dahil sa dios.

Sa mga palabas sa t.v madalas din akong makakita ng usapan o isyung may kinalaman sa dios.
Madalas akong makapanuod ng mga taong sinasapian daw ng dios.
Nakakatawa ang mga boses nila kapag nasasapian, parang sinasakal.
At tuwing sinasapian sila ay nakapikit ang mga mata nila.
Totoo kaya yun? Sa palagay ko, kahit ang mga paring citizen ng Vatican City ay nagdududa rito.

Malakas din ang bentahan ng dios lalo na sa mga gilid o harap ng mga simbahan.
Kung magkano, depende yan.
Mahal yan kung gawa sa ginto o pilak. Pero mayroon din namang gawa sa kahoy, plastik at putik.

Maraming nagsusuot ng dios walang pagdududa diyan.
Pero madalas naiisip ko na ang iba kaya nagsusuot ng dios ay para pamorma lang o kaya naman, para masabing may paniniwala, takot at pagmamahal sila sa dios.

Sana lang ang mga suot nilang yan ay matulungan sila (at marami talagang naniniwala na iyon ang tumutulong sa kanila), mailigtas sila sa kaparusahan, at hindi sila hilahin pababa (may dios kasing mabigat sa katawan).

Dapithapon

Para sa ating dapithapon

Matanda na ang mundo at ganun din naman tayo.
Malapit na siyang magunaw at bukas maaari rin naman tayong mamatay.
Masakit man isipin, pero anong magagawa natin kundi maghintay?
Para sa ating dapithapon, bakit di muna tayo magdiwang ng ating mga buhay?

Ayaw ko pang mawala at iwanan ka, pero mapipigilan ko ba?
Lumilipas ang panahon, nagdadaan ang mga araw, nalulungkot ka ba?
Nalulungkot ako dahil sa kabilang buhay di na kita makakasama.
Pagdating natin sa langit, hinding hindi na tayo magkakakilala.

Madalas kong sabihin sa sarili, “Sana magbalik ang ating kabataan.”
Sa mga panahong wala tayong iniisip kundi ang ating mga pansariling kasiyahan lang.
Sa mga panahong walang problemang bumabagabag sa ating mga kaisipan.
Sa mga panahong sariwang sariwa pa ang ating pagmamahalan.

Madalas kong sabihin sa sarili, “Sana isilang na lang tayong muli.”
Kung may kakayahan lang ako, ipapangahas kong ibalik ang unang ngiti.
Kung kaya ko lang, gusto ko sana muling marinig ang unang tinig,
Ang tila musika sa aking diwa na, “Mga bata, maligayang pagdating sa Daigdig.”

Matanda na ang daigdig at napuno na siya ng ligalig.
Unti-unti ng nauubos ang kanyang ganda at pag-ibig.
Natatapos na rin ang panahon ng kanyang katingkaran at kagandahan.
Na sa ating dalawa ay nagsilbing malaking tahanan at palaruan.

Matanda na tayo at ang ating araw ay naglalaho na.
Sa kanyang paglubog, dumarating ang kadilimang hatid ng kanyang pagkawala.
Bago man lang tayo mahimlay, maaalala mo pa kaya?
Ang ligayang hatid ng pag-ibig na inilaan mo noong tayo’y unang nagkakilala.

Sa ating dapithapon kaya’y wala ka ng pinagsisisihan?
Sa ating dapithapon kaya’y napunan ko na ang lahat ng iyong kalungkutan?
Sa ating dapithapon kaya’y ubos na ang luha sa ating mga mata?
Sa ating dapithapon kaya’y matatanggap natin ang pagkawala ng isat-isa?