Ako at ang Mundo

Ako at ang Mundo
Sabay tayong manuod at makinig sa sarili mong pagsusumamo.

Wednesday, May 13, 2009

Usong-uso

Ang sining ng panatikong paghangang wala sa lugar.

Alam niyo bang natutuwa ako sa dios?
Paano naman usong-uso siya at hindi nalalaos.

Nagagalingan ako sa kanya dahil kahit saan ay nakikita ko siya; sa ding-ding, sa lapag, sa kisame, sa pinto, at sa kahit saang sulok ng isang bahay (o kahit ano pa mang uri ng bahay ang meron sa mundo).
Ewan ko lang kung meron din sa palikuran.
Mayroon sa sasakyan, sa ospital, sa paaralan, sa opisina, sa simbahan, at sa kahit saan pa man.
Mayroong dios na pininta at inilagay sa frame.
Mayroong dios na hinuhubog, nilililok, inuukit, tinutunaw.

Walang araw na hindi ko nakita ang dios na yan.
Paglabas ko ng bahay nakikita ko na agad siya.
Suot-suot siya ng ibat-ibang uri ng tao sa kalsada; mga bata, mga nagtitinda, mga driver, mga snatcher, mga politiko.
Ang mga rakista, may dios. Ang mga konyo, may dios. Ang mga hip-hop, may dios.
Minsan naglakad ako sa isang kanto sa Maynila, nakakita ako ng isang babaeng nagyoyosi, maangas ang porma at nagaabang ng customer, may suot siyang dios.
Ang mga pangkaraniwang tambay lang may suot din na dios, pero tulad nung sa babae, pamorma at pampaangas lang.
Katunayan lang na kahit sino ka man, kahit ano ka man, maaari mong isuot ang dios!

Sa mga binanggit ko, ang dios na suot nila ay sa magkakaibang bahagi ng katawan ko nakita.
Kadalasan sa leeg ito nakalagay. Mayroong naglalagay sa braso, sa daliri, sa paa (pero mas madalas nasa kamay).
May nakita rin ako na ang dios niya ay nakaguhit na sa kanyang balat.
Kung sa balat, kahit saan maaari na. Maaaring sa likod, sa batok, sa tiyan, sa dibdib, sa hita at kahit sa pwet.
Naisip ko tuloy, ang mga pari kaya may tatong dios?

Maraming uri ng dios.
Mayroong dios para sa ibat-ibang uri ng hayop (aso, manok , atbp.), ng lupang sakahan, ng tubig na palaisdaan, ng buwan, ng araw, ng kidlat, ng mga halaman at ng hangin at marami pang iba.

Masasabi kong sikat na sikat ang dios, dahil madalas siyang pagusapan; sa tv, sa radyo, sa kalsada.
Minsan nagpunta ako sa Luneta para makinig ng mga taong ginawang libangan ang pagtalunan ang dios. Napansin ko na maaari rin palang pagmulan ng away at gulo ang pagtatalo tungkol sa dios.
Sigurado sa maraming bilang ng namamatay na tao sa lahat ng sulok ng mundo bawat segundo, mayroong isa o higit pa na namatay dahil sa dios.

Sa mga palabas sa t.v madalas din akong makakita ng usapan o isyung may kinalaman sa dios.
Madalas akong makapanuod ng mga taong sinasapian daw ng dios.
Nakakatawa ang mga boses nila kapag nasasapian, parang sinasakal.
At tuwing sinasapian sila ay nakapikit ang mga mata nila.
Totoo kaya yun? Sa palagay ko, kahit ang mga paring citizen ng Vatican City ay nagdududa rito.

Malakas din ang bentahan ng dios lalo na sa mga gilid o harap ng mga simbahan.
Kung magkano, depende yan.
Mahal yan kung gawa sa ginto o pilak. Pero mayroon din namang gawa sa kahoy, plastik at putik.

Maraming nagsusuot ng dios walang pagdududa diyan.
Pero madalas naiisip ko na ang iba kaya nagsusuot ng dios ay para pamorma lang o kaya naman, para masabing may paniniwala, takot at pagmamahal sila sa dios.

Sana lang ang mga suot nilang yan ay matulungan sila (at marami talagang naniniwala na iyon ang tumutulong sa kanila), mailigtas sila sa kaparusahan, at hindi sila hilahin pababa (may dios kasing mabigat sa katawan).

No comments:

Post a Comment